Pinapatay ng ‘war on drugs’ hindi lamang ang mga mahihirap kung hindi maging ang ‘legal system’ sa bansa.
Ito ang iginiit ni Atty. Jose Manuel Diokno mula sa Free Legal Assistance Group o FLAG na tumatayong abogado ng grupo ni Aileen Almora sa oral arguments kahapon sa Korte Suprema kaugnay sa kampanya laban sa iligal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay Diokno, kung papayagan ng Korte Suprema na magpatuloy ang giyera kontra droga ay nangangahulugan ito na pinahihintulutan ng hukuman na manaig ang pagkamit ng hustisya sa pamamagitan ng dahas.
Naniniwala rin si Diokno na sa ilalim ng Philippine National Police o PNP Command Memorandum Circular No. 16-2016 o PNP Double Barrel ay iniutos ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang pagpatay sa mga drug suspect dahil sa paulit ulit na ‘neutralize’ at ‘negate’ na nangangahulugang utos na pagpatay.
Samantala, tinawag naman na ‘war against the bill of rights’ ng abogado ng mga petitioner ang war on drug ng Duterte administration.
Giit ni Atty. Joel Butuyan, malinaw na nilalabag ng PNP Double Barrel ang Bill of Rights ng indibidwal sa ilalim ng saligang batas.