Itinigil muna ang ‘Maginhawa Community Pantry’ sa Quezon City matapos ma-red tag.
Ito, ayon kay Anna Patricia Non, organizer ng Maginhawa Community Pantry, ay para na rin sa kaligtasan ng kanilang volunteers.
Sinabi ni Non na nalulungkot siyang hindi muna nila maipapamahagi ang mga goods na inihanda nila dahil nga sa red tagging na problema rin ng iba pang community pantry, subalit magpapasabi sila kung kailan muling bubuksan ang Maginhawa Community Pantry.
Maganda naman aniya ang intensyon niya nang simulan ang community pantry na ilang araw na ring pinakikinabangan ng taumbayan at dagsa na rin ang mga dumarating na tulong.
Nagpapasaklolo si Non kay Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos lapitan ng tatlong pulis na nanghihingi ng kanyang contact number at nagtatanong kung anong organisasyon siya nabibilang.
Una nang ipinost ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at maging ng Quezon City Police ang graphics sa kani-kanilang Facebook page ang pag-uugnay sa mga community pantry sa mga komunista.