Ipinaalala ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. General Guillermo Eleazar sa mga magka-angkas sa motorsiklo na magdala ng patunay na sa iisang bahay sila nakatira para hindi na masita.
Ayon kay Eleazar, tatanggapin ng mga otoridad ang kahit anong patunay na sa iisang bahay umuuwi ang mga magka-angkas sa motorsiklo tulad ng identification (ID) at barangay certification.
Maaari pa rin naman aniyang gamitin ang barrier ng magka-angkas na nakatira sa iisang bahay dahil ang iniiwasan naman sa ganitong paraan ay mass infection sa pamilya.
Gayunman, sinabi ni Eleazar na nananatili ang motorcycle barrier para sa mga magka-angkas na hindi nakatira sa iisang bahay at dapat ay authorized persons outside residence (APOR) ang angkas kahit hindi APOR ang driver.
Patuloy tayong sumunod sa ating protocol na ating ipinatutupad para sa ating kapakanan,” ani Eleazar sa panayam ng Balitang Todong Lakas.
Binigyang diin ni Eleazar na ang nasabing hakbang ay patunay na nakikinig ang National Task Force on COVID-19 sa mga concern ng publiko.