Nagtataka ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) kung bakit magkaiba ang direksyon ng presyo ng gasolina at diesel sa bansa kahit na iisa lamang ang pinanggalingan nito.
Ayon kay George San Mateo, Pangulo ng grupong PISTON, hindi kapani-paniwala ang dahilan na ang pagbagsak ng halaga ng piso sa foreign exchange na isa sa nagtatakda ng presyo sa lokal na merkado ang dahilan ng pagkakaiba ng presyo ng dalawang produkto.
Sinabi ni San Mateo sa programang Ratsada na naniniwala siya na may manipulasyon sa presyo ng diesel sa Pilipinas dahil ito ang pinakamalaking merkado o produktong petrolyo na ibinebenta sa bansa dahil sa dami ng gumagamit nito.
Bahagi ng panayam kay San Mateo
Price adjustment
Nagpatupad ng panibagong price adjustments ang mga kumpanya ng langis, epektibo ngayong Martes, Agosto 18.
Simula kaninang alas-12:01 ng hatinggabi, binawasan ng Seaoil ng P0.25 ang presyo ng kada litro ng gasolina habang P0.35 sa kada litro ng diesel.
Naglalaro sa P0.20 naman ang bawas sa presyo ng kada litro ng kerosene.
Epektibo naman ala-1:00 ng madaling araw, tinapyasan ng Shell ng P0.25 ang presyo ng kada litro ng gasolina.
Nagpatupad naman ito ng P0.20 na dagdag sa presyo ng kada litro ng kerosene habang P0.35 dagdag sa presyo ng kada litro ng diesel.
Kaninang alas-6:00 ng umaga, nagpatupad naman ang Phoenix Petroleum ng P0.25 bawas sa presyo ng kada litro sa gasolina at P0.30 bawas sa presyo ng kada litro ng diesel.
Ang panibagong price adjustments ay kasunod sa walong serye ng price rollback noong mga nakaraang linggo.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita