Tiyak na magkakagulo ang mga kongresista kapag tuluyan ng natanggal ang 75 bilyong pisong idinagdag sa pondo ng DPWH o Department of Public Works and Highways.
Pahayag ito ni Senador Panfilo Lacson kaugnay sa desisyon niyang alisin na ang naturang halaga sa 2019 proposed national budget.
Ito’y makaraang lumitaw na hindi naman naabisuhan si DPWH Secretary Mark Villar sa pagsingit ng naturang halaga para sa kanilang departamento.
Suspetya pa ng bagong liderato ng Kamara, ang napatalsik na liderato ni dating house speaker Pantaleon Alvarez ang responsable sa karagdagang pondo na naisingit sa national expenditure program na ipinamahagi sa mga kaalyadong kongresista.
Kumpiyansa naman ang senador na makahahanap sila ng mas mahalaga at makabuluhang programa na paglalaanan ng ipatatanggal niyang mahigit 70 bilyong pisong pondo ng DPWH.
(with report from Cely Ortega- Bueno)