Tuluyan nang hindi makadadalo ang magkapatid na sina Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog – Echavez at Reynaldo Parojinog Jr. sa libing ng kanilang mga magulang.
Ayon sa abogado ng magkapatid na si Atty. Ferdinand Topacio, kahapon ay nakatanggap siya ng sulat mula kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na naglalaman ng pagtanggi nito sa kahilingan ng magkapatid na Parojinog.
Batay aniya sa sulat ni Dela Rosa, nakatanggap umano ng intelligence report ang PNP kaugnay sa madugo at marahas na plano ng mga supporters ng Parojinog na iligtas ang magkapatid kung dadalaw ang mga ito sa libing ng kanilang mga magulang.
Kasabay nito, nilinaw ni Topacio na kanilang iginagalang ang naging pasya ni Dela Rosa at iginiit na hindi totoo ang naturang banta dahil ligal na pamamaraan ang nais ng magkapatid para makalaya.
Samantala, pumalag ang pamilya Parojinog sa pahayag ng PNP o Philippine National Police na may ikinakasa umano silang panggugulo sa Ozamiz City.
Ito’y bilang paghihiganti o resbak umano ng pamilya sa ginawang pagpatay sa mag-asawang Mayor Reynaldo at Susan Parojinog gayundin sa dalawang kapatid nito noong Hulyo 30.
Ayon kay Aido Parojinog – Vasquez, pamangkin ng napaslang na alkalde, imposible naman ang ipinaparatang sa kanila ng pulisya gayung nasa panahon pa sila ng pagluluksa.
Una rito, ipinagpaliban ng pamilya Parojinog ang nakatakda sanang paglilibing sa labi ng mga nasawi nilang miyembro ng pamilya upang bigyang daan ang muling pagsasagawa ng otopsiya.