Hindi dapat mangamba ang magkapatid na Joel at Mario Reyes sa kanilang kaligtasan sakaling maibalik na ang mga ito sa Pilipinas.
Ayon kay PNP-PIO Chief Police Chief Supt. Wilben Mayor, sa oras na nasa ilalim na ng kustodiya ng gobyerno ng Pilipinas ang magkapatid na Reyes, responsibilidad na ito ng pamahalaan.
Kinumpirma naman ni Mayor na nagpulong ang ilang miyembro ng Philippine National Police o PNP kasama si PNP-CIDG Director Chief Supt. Victor Deona.
Ayon kay Mayor, pinag-usapan lamang sa pagpupulong ang mga preparasyon na gagawin sa pagbabalik bansa ng magkapatid na Reyes.
Sa ngayon, limang tauhan ng PNP-CIDG ang nasa bansang Thailand upang sunduin ang mga naturang pugante.
Kaugnay nito, pormal na ise-serve ng Philippine National Police o PNP ang arrest warrant laban sa magkapatid na Joel at Mario Reyes sa oras na makapasok ang dalawa sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay PNP PIO Chief Police Chief Supt. Wilben Mayor, maaari rin itong gawin kahit sa loob ng eroplano lalo na kung ito ay nakarehistro sa Pilipinas gaya ng Philippine Airlines o Cebu Pacific.
Sinabi rin ni Mayor na nakahanda ang PNP Custodial Center sakaling dito i-detine ang magkapatid na Reyes.
Tumanggi namang sabihin ng PNP kung kelan uuwi sa Pilipinas ang magkapatid na Reyes.
Ito’y kahit pa may iba nang lumalabas na ulat na ngayong araw posibleng bumalik ng bansa ang dalawang suspek sa pagpatay kay Doc Gerry Ortega.
By Jelbert Perdez | Jonathan Andal