Kusang sumuko sa Thailand ang magkapatid na dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes, suspects sa pagpatay kay environmentalist-broadcaster Dr. Gerry Ortega.
Nilinaw ito ni Atty. Demetrio Custodio, lead counsel ng magkapatid na reyes sa harap ng mga ulat na inaresto ang magkapatid sa Thailand.
“Let me clear that, because the information that was given to me ang lumabas diyan ay nag-surrender sila, hindi sila naaresto so I don’t know what will be the basis for that, their statement was they voluntarily surrendered.” Ani Custodio.
Ayon kay Custodio, agad syang maghahain ng petition for bail sa Puerto Princesa RTC pagdating sa bansa ng magkapatid na Reyes.
Iginiit ni Custodio na hindi dapat makulong ang kanyang mga kliyente dahil may nakabinbin pa silang petisyon na kumukuwestyon sa pagbuo ng Department of Justice ng ikalawang panel na nag imbestiga sa pagkamatay ni Ortega.
Matatandaan na inabsuwelto ng unang DOJ panel ang magkapatid na Reyes sa pagkamatay ni Ortega subalit binaliktad ito ng ikalawang panel.
AUDIO: Bahagi ng panayam kay Atty. Custodio
Pagdating sa bansa
Tumanggi naman ang abogado nina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes na kumpirmahin ang pagdating sa bansa ng magkapatid ngayong araw na ito.
Ayon kay Atty. Demetrio Custodio, lead counsel ng mga Reyes, ayaw niyang makadagdag sa stress na nararamdaman ng kanyang mga kliyente ang posibleng pagdumog sa kanila paglapag pa lamang sa Pilipinas.
Sinabi ni Custodio na ang tanging nalalaman nya ay prinoproseso na ng Department of Foreign Affairs ang deportation proceedings para sa magkapatid na Reyes makaraang mabigyan sila ng clearance sa Phuket Thailand kung saan may kinakaharap silang kaso ng overstaying.
Wanted sa Pilipinas ang magkapatid na Reyes dahil sa kasong pagpapapatay di umano kay environmentalist/broadcaster Dr. Gerry Ortega.
By Len Aguirre | Ratsada Balita