Ang isa sanang masayang trip ng magkasintahan mula sa India, nauwi sa trahedya ilang segundo lang matapos nilang sumakay sa rollercoaster.
Kung ano ang buong pangyayari, eto.
April 3 ng kasalukuyang taon nang magpunta ang magkasintahang sina Nikhil Singh, 26-anyos, at Priyanka Rawat, 24-anyos, sa Fun N Food Water & Amusement Park sa New Delhi, India.
Ayon sa police complaint ni Singh, dumating sila ni Priyanka sa amusement park pasado ala una ng hapon sakay ng isang scooter mula sa bahay ng babae sa Chanakyapuri.
Sinulit ng dalawa ang oras nila sa park at in-enjoy ang mga water rides simula nang dumating sila roon hanggang sa mag alas sais ng gabi. Pagkatapos nito ay ang rollercoaster naman ang naisipang sakyan ng magkasintahan.
Ilang segundo lang nang umandar ang rollercoaster, agad na nahulog ang babae mula sa taas na tinatayang aabot ng 20 feet.
Ayon medical documents na inilabas ng ospital kung saan dinala si Priyanka, nagtamo ang babae ng laceration sa kanan niyang binti, puncture wounds sa kaliwang binti, at maraming gasgas sa kaniyang right forearm at kanang tuhod.
Nadiskubre ng mga pulis na ang puno’t dulo ng pagkahulog ng babae mula sa rollercoaster ay mulfunction sa kaniyang seatbelt.
Matapos nito ay ipinasara ang nasabing ride para maimbestigahan ng mga pulis at dadaan din sa mechanical inspection.
Sinabi naman ng owner at adviser ng amusement park na si Santokh Singh Chawla, iyon daw ang pinakaunang beses na nangyari ang ganoong klase ng insidente sa loob ng 33 taon na pag-ooperate nito.
Aniya pa, agad din nilang ipinadala ang babae sa ospital gamit ang sarili nilang ambulansya ngunit idineklara ang babae na dead on arrival.
Sa mga nag-ooperate ng amusement parks diyan, sa paanong paraan niyo ba sinisiguro na safe ang inyong rides bago magpasakay ng mga customer?