Tatlong taon nang magkarelasyon sina Yang Jingshan at Lee Xueying mula sa Malaysia. Dahil matagal na rin silang nagsasama, napag-usapan na rin nila ang pagpapakasal.
Sa katunayan, balak ni Yang na mag-propose sa kanyang girlfriend sa mismong kaarawan niya sa June 2.
Ngunit noong May 24, ilang araw lamang bago ang pinaghandaang proposal, biglang bumaligtad ang sinasakyang kotse ng magkasintahan habang dumadaan sa Perak, northwestern Malaysia.
Sa kasamaang-palad, walang nakaligtas sa kanila. At lahat ng plano at pangarap nila, naglaho na parang bula.
Hindi pa rin naging hadlang ang trahedyang ito para sa mga pamilya ng magkasintahan na ikasal ang dalawa sa pamamagitan ng “ghost marriage”.
Ayon sa paniniwala ng mga Chinese, kung mamatay ang isang tao nang hindi natutupad ang kanyang kahilingan, hindi ito makakahanap ng kapayapaan sa kabilang buhay.
Ito umano ang dahilan kung bakit may mga nagmumulto.
Upang tulungan ang unmarried dead spirits na matupad ang kanilang pangarap na ikasal sa kanilang minamahal, idinaraos ang ghost marriage.
Bukod sa China, isinasagawa ang ghost marriage sa iba pang East Asian countries katulad ng Malaysia, North Korea, at Japan.
Sa halip na kamatayan ang maging dahilan ng kanilang hiwalayan, o ‘yung sinasabing “till death do us part”, ito pa ang naging tulay para kina Yang at Lee na matupad ang kanilang pinakahihintay na pag-iisang dibdib—kahit sa kabilang buhay.