Kapwa iimbestigahan na ng National Bureau of Investigation o NBI ang magkasunod na kaso ng pagpatay sa alkalde ng Tanauan City, Batangas na si Mayor Antonio Halili at ng General Tinio, Nueva Ecija na si Mayor Ferdinand Bote.
Ito’y matapos atasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI para siyasatin ang nangyaring pamamaslang sa dalawang alkalde.
Unang nasawi si Halili matapos barilin sa flag raising ceremony sa Tanauan City hall habang tinambangan naman sa Cabanatuan City kahapon si Bote.
Halili’s case
Mayroon nang persons of interest ang Philippine National Police-Calabarzon kaugnay sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.
Ayon kay PNP-Calabarzon Regional Dir. Police Chief Supt. Edward Carranza, tatlo ang kanilang persons of interest at dalawa rito ang nauugnay sa iligal na droga.
Habang ang isa naman umano ay patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan dahil sa kabilang ito sa isang grupo.
Bukod dito, tumanggi ng magbigay pa ng karagdagang detalye si Carranza.
Una rito, ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniya umanong suspetsa na may kaugnayan sa operasyon ng iligal na droga si Halili.
Bote’s case
Samantala, sinimulan na ang awtopsiya sa labi ng pinaslang na alkalde ng General Tinio, Nueva Ecija na si Mayor Ferdinand Bote.
Sa RBM Funeral Homes sa Cabanatuan City dinala ang labi ni Bote.
Naghintay naman ang asawa, mga anak, kamag-anak at iba pang tagasuporta ng alkalde sa labas ng punenarya.
Nasawi si Mayor Bote matapos tambangan sa tapat ng National Irrigation Administration sa Cabanatuan City pasado alas-4:00 ng hapon, kahapon.
—-