Patuloy ang paglalabas ng mainit na singaw ng Bulkang Taal habang nananatili pa ring nakataas ang alert level 2.
Sa datos ng PHIVOLCS sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, naglabas ito ng mahinang steam-laden plumes na umaabot sa 100 metro ang taas bago matangay ng hangin sa direksyong timog kanluran.
Hindi naman masukat ng aparato ng PHIVOLCS ang dami ng inilabas na sulfur dioxide o asupre ng Bulkang Taal.
Habang nasa 77 volcanic earthquakes naman ang naitala ng Taal Volcano network na nangangahulugan ng patuloy na paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan patungong crater.
Pinaalala rin ng PHIVOLCS na nananatiling bawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na pasok sa permanent danger zone.
Inaabisuhan din ng PHIVOLCS ang publiko laban sa posibleng ground fissures o pagbibitak-bitak ng lupa, ashfall at mahihinang lindol na maranasan na bahagi ng mga aktibidad ng Bulkang Taal.