Isinusulong ngayon sa Senado ang ‘Magna Carta for Dignified Commuting’ na layong tiyakin kung sapat at maayos ang sistema ng transportasyon para sa mga commuter sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill 775, kikilalanin ang karapatan ng bawat indibidwal partikular ang mga commuter na nakadepende sa pampublikong transportasyon para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Kabilang dito ang karapatan sa pagkakaroon ng ligtas, maginhawa, maaasahan at murang pagbiyahe.
Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, hindi matatapos ang problema sa trapiko kung hindi pakikinggan ang boses ng pinakamalaking sektor na gumagamit ng kalye.