Suportado ni Deputy Majority Leader at ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred Delos Santos ang rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na amyendahan ang R.A. no. 7305 o ang Magna Carta of Public Health Workers para maisama ang mga mangagawa sa kalusugan na nasa pribadong sector.
Gayunman, dapat aniya itong sumailalim sa malawakang pag-aaral sa kongreso upang matiyak na matutugunan ang mga isyu at hamon na kinakaharap ng mga health worker sa publiko at pribadong sektor.
Aniya, bagama’t mayroon pang hindi nalulutas na mga problema para sa mga health workers sa civil service, pantay na kinikilala ang mga suliranin ng mga ito partikular sa benepisyo gayundin sa mga pamantayan sa paggawa at pagkakaiba ng sahod na maaari aniyang suriin sa pamamagitan ng pagpapahusay sa tripartite wages and productivity board.
Mungkahi ng mambabatas sa DOH, na pormal na ihain ang panukalang batas sa House Committees on Health at Civil Service and Professional Regulation. – sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)