Isang lalaki ang nanloob sa isang tirahan sa Uttar Pradesh, India. Plano niyang magnakaw ng pera, water pump, washbin, at gas cylinder.
Ngunit nang makita niya ang aircon sa loob ng bahay, agad niya itong binuksan. Kumuha siya ng unan, humiga sa sahig, at unti-unting nakatulog.
Nakadestino sa Varanasi, India ang may-ari ng bahay na si Dr. Sunil Pandey nang mangyari ang insidente.
Nang mapansin na bukas ang gate, agad siyang tinawagan ng kanyang mga kapitbahay. Iniulat naman ito ng doktor sa mga pulis.
Nadatnan na lamang ng mga pulis na natutulog pa rin sa sahig ang magnanakaw. Hawak-hawak pa nito ang kanyang cellphone!
Napag-alamang lasing pala ang suspek na kinilalang si Kapil. Dahil sa pagkalasing at sa lamig na rin ng aircon, naging mahimbing ang kanyang tulog.
Ngayon, nahaharap siya sa kasong theft.
Nakakatawa man ito para sa iba, maging paalala sana ito sa lahat na mag-ingat at pahalagahan ang seguridad ng ating mga tahanan—may aircon man o wala.