Aabot sa 14 na ang bilang ng nasawi sa mga bansang Turkey at Greece matapos tumama ang magnitude 7 na lindol sa Aegean Sea.
Batay sa ulat, 12 sa mga nasawi ay mula sa baybayin ng West Turkey habang dalawa sa mga ito ay pawang mga kabataan na natabunan ng gumuhong pader sa isla ng Samos na sakop ng Greece.
Sa Turkey, tinatayang nasa 20 gusali ang gumuho sa lungsod ng Izmir kung saan, kasama sa mga napinsala ang mga sasakyang nakaparada sa ilalim nito.
Habang aabot sa 522 ang bilang ng mga sugatan matapos matabunan ng mga gumuhong gusali subalit may ilan naman ang nailigtas.
Nabatid na muling gumalaw ang isang aktibong fault line malapit sa istanbul mula pa noong 1999 kung saan, 17 ang tinatayang nasawi.
Kasalukuyan pang nakararanas ng nasa mahigit 100 aftershock sa nabanggit na mga lugar habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga gumuhong gusali roon.