(Updated as of 12:50 p.m.)
Isinailalim na ng lokal na pamahalaan ng Magsaysay, Davao Del Sur sa state of calamity ang bayan matapos na matinding maapektuhan ng magnitude 6.3 na lindol noong Miyerkules.
Ayon kay Magsaysay Public Information Officer Anthony Allada, tatlo ang naitalang nasawi at 20 ang sugatan sa kanilang lugar dahil sa malakas na lindol.
Maliban aniya rito, tinatayang pumalo rin sa P200-M ang halaga ng mga napinsalang kabahayan, establisyemento at imprastraktura sa kanilang bayan.
Dagdag ni Allada, maraming residente rin ang nananatili pa sa mga evacuation centers o sa mga tent dahil sa pangambang dulot ng mga nararamdamang aftershocks.
Kasunod ng naturang deklarasyon ay maaari nang magamit ng lokal na pamahalaan ang nakalaang emergency funds.