Katarungan pa rin ang sigaw ng mga kaanak ng mga biktima ng Maguindanao massacre, walong taon na ang nakakalipas.
Nagkita-kita para sa isang misa at simpleng programa sa massacre site sa barangay Salman sa bayan ng Ampatuan kahapon ang pamilya ng mga biktima ng nasabing masaker para gunitain ang pagkamatay ng mga ito.
Nakiisa rin sa maagang paggunita sa ika-walong anibersaryo ng nasabing masaker sa November 23 ang ilang mamamahayag mula sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP at National Union of Journalist of the Philippines o NUJP.
Ilang aktibidad kaugnay sa nasabing usapin ang nakatakdang isagawa sa Metro Manila sa mismong araw nang paggunita sa Maguindanao massacre kung saan nasawi ang halos 60 katao.
Samantala, binabantayan ng Presidential Task Force on Media Security ang mga kaso kaugnay ng Maguindanao massacre noong 2009.
Tiniyak ito ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar bilang tugon sa panawagang hustisya ng pamilya ng mahigit 50 kataong pinatay noong November 23, 2009 kung saan mahigit 30 rito ay mga mamamahayag.
Ayon kay Andanar, isa rin ang Maguindanao massacre sa mga dahilan kung bakit laging kasama sa top 5 ang Pilipinas sa mga bansa na mapanganib para sa mga mamamahayag.
“Nag-commit naman sa atin ang DOJ na bibilis yan of course with Task Force on Media Security ay mas makakaasa tayo na tatakbo itong kaso ng Maguindanao massacre nang mas mabilis, kaya mabagal ang pag-usad sa rating ng pinaka-delikadong mga bansa para sa mga mamamahayag, from number four naging number five na tayo, so kahit papano nag-improve na tayo magmula nang maitatag yung Task Force on Media Security pero ang gusto talaga natin ay maalis tayo sa top five na yun.” Pahayag ni Andanar
Len Aguirre / (Ratsada Balita Interview)