Hindi pa nawawalan ng pag-asa ang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre na makakamit rin nila ang hustisya kahit pa walong taon na ang nagdaan.
Ayon kay Grace Morales, asawa ng isa sa mga reporters na nasawi sa Maguindanao massacre, umaasa siyang mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang asawa at kapatid na kapwa nagtatrabaho noon sa isang local newspaper sa General Santos City.
Gayunman, aminado si Morales na marami na sa kanilang hanay ang naiinip sa mabagal na pag-usad ng kanilang kaso.
Sa kabila nito, hindi aniya sila nakakalimot na paminsan-minsang lumuwas ng Maynila kapag may hearing at upang tignan kung nasa kulungan pa rin ang mga akusado.
“Kailangan ko po talagang ilagay ang sarili ko sa kung ano ang tama at dapat, alam naman natin na hindi madali ang mga ganitong kaso, pero may mga pamilya na po na nawawalan na ng pag-asa dahil sa katagalan at hirap ng buhay.” Ani Morales
(Balitang Todong Lakas Interview)