Ibinabala ng Quezon City Police District ang pagsasampa ng kaso sa mga magulang ng mga kabataang pauli-ulit na madadampot dahil sa paglabag sa umiiral na curfew at iba pang ordinansa sa lungsod.
Ayon kay QCPD Director Chief Supt. Joselito Esquivel, dumadaan sa booking process ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mga nahuhuling kabataang pakalat-kalat sa lansangan bago nila samahan ang mga ito pauwi ng kani-kanilang bahay.
Gayunman, iginiit ni Esquivel, kapag muling nahuli sa ikatlong pagkakataon ang isang menor de edad, kanila nang pananagutin at kakasuhan ang mga magulang nito.
Tiniyak naman ni Esquivel na sumasailalim sa training ang mga tauhan ng QCPD women’s and children desk para sa maayos na paghawak sa mga madadampot na kabataan.
Batay sa tala ng QCPD, aabot na sa halos pitong daang (700) kabataan ang kanilang nahuhuling lumabag sa curfew sa loob ng dalawang linggo.
—-