Nagpaliwanag ang National Capital Region Police Office (NCRPO) hinggil sa pagbabawal sa pagdadala ng mga bottled water at iba pang klase ng liquid sa mga matataong lugar partikular na sa LRT at MRT.
Ayon kay NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, bagama’t mababa lamang ang posibilidad ng liquid bombing, mas makakabubuti pa rin aniyang maging maingat ang lahat.
Binigyang diin pa ni Guillermo, bahagi ng international security standards ang kanilang ipinatutupad na pagbabawal sa mga klase ng likido kabilang na ang bottled water.
Kasabay nito, humingi si Eleazar ng pang-unawa sa publiko hinggil sa mga ipinatutupad na seguridad ng pulisya para mapigilang magkaroon ng spill over sa Metro Manila ng nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu at Zamboanga.
“Ang ginagawa natin dito sa pinataas na level ng alerto ay isang precautionary or proactive measure dahil mas maganda na tayo’y nakakasiguro kaysa naman na tayo ay malusutan, so hinihingi natin ang mahabang pasensya ng taong-bayan sa ating ipinatutupad na security measures.” Ani Eleazar
Samantala, nilinaw naman ni Eleazar na hindi nila ipinagbabawal ang pagdadala ng mga backpack at sa halip ay pinapayuhan lamang ang publiko na iwasan nang magdala ng mga ito para hindi na rin maabala sa mahigpit na inspeksyon.
“Ang ating iniiwasan ay ang pagpasok ng mga illegal contraband, firearms, bladed weapons at mga bagay na puwedeng gamitin para sa pagpapasabog, ‘yan po ang ating ipinagbabawal, ‘yung backpack hindi naman talaga ipinagbabawal per se pero ang advise natin ay iwasan na ang pagdadala para hindi na makasagabal pa at maging inconvenient sa pag-iinspect.” Pahayag ni Eleazar
(Balitang Todong Lakas Interview)