Siniguro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na buo ang suporta nito sa ating mga kapatid na Muslim na layong matamo ang ganap na kapayapaan sa Mindanao.
Ito ang binigyang diin ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay sa naging pagbisita nito sa Sulu Provincial Capitol para sa pulong ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, religious leaders, maging ang mga kinatawan ng Tausug Muslim community.
Sa ginagawang talumpati ni Gapay, sinabi nito na kaisa ng mga kapatid na Muslim ang buong AFP sa pagmamahal sa kapayapaan.
Kung hindi anito hahayaang mamayani ang karahasan sa rehiyon.
Dagdag pa ni Gapay, malaki ang papel na ginagampanan ng mga Imam, at mga local chief executive para maipalaganap ang aral ng Islam hinggil sa pag-iwas sa karahasan.
Kasunod nito, nagpasalamat ang mga residente ng Sulu sa pagnanais ng AFP na ipakita sa mga kapatid nating mga Muslim na hindi dahas at kamatayan ang hatid nila, kung hindi pawang pagtataguyod ng tahimik, payapa at maunlad na Mindanao. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)