Mahihirapang makalusot sa Senado ang panukalang paglikha ng Maharlika Wealth o Sovereign Investment Fund na isinusulong ng ilang mataas na opisyal ng Kamara.
Ito, ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, ay dahil lubha nang “baon sa utang ang Pilipinas” at walang surplus o sobrang pondo ang pamahalaan.
Hindi anya masyadong pinag-isipan ang panukala at minadali matapos magsagawa ang ilang mambabatas na nagsusulong nito, partikular sa pagkukunan ng pondo sa gitna ng pagtanggi ng karamihan.
Tugon ito ng senador makaraang tanggalin na ang Government Service Insurance System at Social Security Services, bilang paghuhugutan ng pondo para sa Maharlika Investment Fund.
Sa ngayon, idinagdag ni Pimentel na kailangang magkaroon ng counterpart bill ang MIF sa Senado.
Iginiit ng mambabatas na ang panukalang Maharlika Fund ay mahina hindi lang dahil sa ito ay mahina kundi dahil sa malakas ang pagtutol dito ng publiko, lalo ng mga miyembro ng GSIS at SSS. —Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)