Nanindigan si Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso na panahon na upang magkaroon ng Sovereign Wealth Fund na Maharlika Investments Fund.
Ayon kay Veloso, ito na ang tamang panahon upang ipuhunan at kumita nang mas marami pang pondo na mapapakinabangan ng mga miyembro ng GSIS.
Ang kanila anyang trabaho ay ilagak ang pera ng mga miyembro sa tamang lugar na kikita nang mas malaki at makapagbigay sa kanila ng benepisyo.
Sa ilalim ng Republic Act 656 na inamyendahan ng Presidential Decree 245, binibigyang mandato ang GSIS na protektahan ang lahat ng ari-arian at interes ng gobyerno laban sa insurable risks.
Sa ilalim ng panukalang Sovereign Wealth Fund (SWF) ay matitiyak ang pagiging transparent nito dahil babantayan ito ng Board of Advisers at may posibilidad na isama ang mga miyembro mula sa ilang pribadong sektor tulad ng Philippine Stock Exchange.
Idinagdag ni Veloso na ang pamumuhunan sa kasalukuyang kondisyon ay mas makatutulong sa bansa dahil sa inaasahang mas malaking kita.