Tiniyak ng Civil Aeronautics Board (CAB) na babalik sa Wuhan City ang 135 turistang nagmula sa nabanggit na lunsod sa China na dumating sa Kalibo, Aklan kahapon.
Ayon kay CAB Legal Division Chief Wyrlou Samodio, turista lamang ang status ng mga nabanggit na biyahero kaya kinakailangan ng mga ito na umalis ng Pilipinas at bumalik sa kanilang pinagmulang lugar.
Dagdag ni Samodio, may inihahanda ring apat na flights ang Royal Air Charter at Pan Pacific Airline para makabalik ng Wuhan City ang mga nabanggit na turista.
Magugunitang dumating sa Aklan ang mga nabanggit na turista bago pa man i-anunsyo ng mga awtoridad ang pagpapatigil sa direktang biyahe ng mga eroplano mula Wuhan City patungong Pilipinas.