Naaresto ng Bureau of Immigration o B.I ang nasa 105 na foreign nationals matapos ang ikinasa nilang raid sa isang business process outsourcing company sa Biñan, Laguna.
Ayon kay Commissioner Jaime Morente, naaktuhan ng mga operatiba ng B.I’s intelligence division ang mga dayuhan na nagtatrabaho sa BPO nang walang sapat na dokumento o mga visa.
Sinabi ni Morente na bigong makagpakita ng katibayan ang mga nasakoteng foreign national para makapagtrabaho sa loob ng bansa.
21 sa mga naarestong illegal aliens ay pawang mga babae habang 84 naman sa mga ito ay pawang mga lalake.
97 naman sa mga ito ang Chinese, habang apat ang Indonesian, tatlo ang Malaysian, isa naman ang Vietnamese, at isang Laotian.
Dagdag pa ni B.I Spokesperson Dana Krizia Sandoval, isa sa mga nasakoteng dayuhang manggagawa ay 17 anyos na babae na hinihinalang biktima ng human trafficking.
Mananatili naman sa kostudiya ng B.I’s holding facility sa Bicutan, Taguig City ang mga naarestong foreign nationals at nakatakdang ipadeport pabalik sa kanilang mga bansa.