Hindi bababa sa 100 katao ang kasalukuyang nasa ospital ngayon matapos makaramdam ng pagkahilo, pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdudumi dahil sa kinaing food pack na ipinamahagi umano ng Philippine Red Cross sa Esperanza, Agusan Del Sur.
Batay sa ulat ng Esperanza Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, isinugod sa pagamutan ang mga biktima nang makaramdam ng pagkahilo at pagsusuka mula sa kinain umanong food packs na naglalaman ng kanin, itlog at atay ng manok.
Ayon kay Esperanza MDRRMO Officer Daniel Ajoc, araw-araw namang ginagawa ng prc na mamigay ng nasa 1,000 food packs o pack lunch sa mga residente ng bayan.
Kasalukuyan namang nagpadala na ng Provincial Health Officer ng Agusan Del Sur sa Barangay Tandang Sora upang malaman ang sanhi ng pagkalason ng mga residente.
Samantala, sinuspinde ng PRC ang hot meal program para sa mga evacues hanggang sa makumpleto ang imbestigasyon. – sa panunulat ni Jeraline Doinog