Nakatakdang isailalim sa autopsy ang 120 mula sa 176 na labi ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ito ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ay upang matukoy ang dahilan ng kanilang pagkamatay.
Hiniling ng DOJ sa Eastern Funeral Homes sa Muntinlupa City na huwag i-dispose ang ibang bangkay na hindi agad madadala sa Philippine General Hospital (PGH) na mayroon lamang 120 cadaver capacity.
Kaya naman nakatakdang lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang DOJ at PGH bukas sa pag-turn-over ng mga cadavers sa nasabing ospital para sa autopsy at pathological examinations.
Maliban sa PGH, bibigyang access din ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa autopsy ng mga bangkay. – sa panulat ni Hannah Oledan