Mahigit 100 mga general at colonels ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang courtesy resignation.
Ito ang inihayag ni Interior Secretary Benhur Abalos, Jr., kung saan, sa kabuoang 956 high-ranking officials ng Philippine National Police (PNP), mayroon pang 113 na mga pulis ang hindi pa nakakapagfile.
Ayon kay Abalos, hinihintay pa nila ang tugon ng mga pulis partikular na ang mga nakatalaga sa Visayas at Mindanao hinggil sa mga sangkot sa illegal drug trade.
Sinabi ng kalihim na kanilang lilinisin ang ninja cops sa hanay ng PNP dahil kabilang sa mga nasasangkot ang mga opisyal na may mataas na puwesto.
Nabatid na ang mga isinumiteng courtesy resignation ay sasalain ng 5-man committee na magsusumite naman ng rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para desisyonan kung tuluyang sisibakin sa serbisyo ang sinumang mapapatunayang sangkot sa iligal na droga.