Mahigit 100 pamilya ang apektado ng demolisyon ng nasa animnapung kabahayan at iba pang istruktura sa Tundo, Maynila.
Sa kabila ito ng hiling ng Office of the City Legal Office ng Maynila na ipagpaliban ang pagpapagiba sa mga istrukturang nakatirik sa isang ektaryang lupang pagmamay-ari ng isang pribadong kumpanya.
Dakong alas otso ng umaga kahapon nang magsimulang mag-empake at bakantehin ng mga residente ng Juan Luna at Coral streets sa barangay 59, Zone 1 ang kanilang mga bahay matapos matanggap ang court order kasabay ng basbas ng City Engineering Office na simulan agad ang demolisyon.
Ayon kay Engr. Ed Balayan, building inspector ng City Engineering Office, walang naipakitang temporary restraining order mula sa Supreme Court ang Tondo Central Neighborhood Association.
Ito’y kahit nakipagpulong ang asosasyon sa pamumuno ng kanilang pangulong si Ronaldo Bautista kina manila Vice Mayor Yul Servo at 1st Distrist Rep. Ernesto Dionisio hinggil sa pagpapaliban sa demolisyon matapos maghain ng petisyon sa SC si Jaime David, na isa ring residente at miyembro ng asosasyon.
Nilagdaan ni City Legal Officer Veronica Lladoc ang nasabing kasunduan kung saan dapat ipagpaliban ang demolsyon sa naturang lugar na pag-aari ng Meridian Cargo Forwarders dahil sa nakabinbing petition for review sa Korte Suprema.
Gayunman, walang nagawa ang mga residente kaya’t nakiusap na lamang sila na bigyan sila ng sapat na oras upang makapag-empake at mailipat ang kanilang mga gamit bago gibain ang kanilang bahay.
Samantala, sumaklolo naman ang DSWD at Housing and urban Development sa mga apektadong residente.