Nakalaya na ang nasa kabuuang 124,576 quarantine violators na naaresto ng mga awtoridad sa buong bansa.
Ito ang inihayag ng Department of Interior and Local Government (DILG), magmula anila nang magsimula ang pandemiya noong Marso.
Ayon kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, umaabot na lamang sa 1,751 quarantine violators ang nananatili pa rin sa mga kulungan.
Aniya, agad din itong malalaya oras na makapagpiyansa o magpalabas ng kautusan ang korte.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Malaya si Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta matapos itong mapalabas ng kautusan sa lahat ng mga hukom na palayain na ang mga nakakulong na quarantine violators.
Tiniyak din ni Malaya na agad nilang susundin ang anumang ligal na kautusang ipalalabas ng korte hinggil sa usapin.