Karagdagang 1,326 Covid-19 cases ang naitala ng Department of Health sa bansa kahapon dahilan para umabot na sa 4,033,682 ang nationwide caseload.
Ito na ang ika-5 sunod na araw na nakapagtala ang bansa ng mahigit 1,000 bagong kaso ng naturang sakit makaraang makapagtala noong Sabado ng 1,874 na bagong infections.
Batay pa sa pinakahuling datos ng DOH, umakyat sa 18,482 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bansa mula sa 18,348 na naitala noong Sabado.
Sumampa naman sa 3,950,606 ang total recoveries habang nadagdagan ng 23 ang bilang ng mga nasawi sa naturang sakit, kaya’t pumalo na sa 64,594 ang death toll.
Ayon pa sa DOH, ang National Capital Region ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng Covid-19 sa nakalipas na linggo na may 3,874 cases, sinundan ng CALABARZON, 1,961; at Western Visayas, 1,293.