Pumalo na sa 14,880 na mga paglabag sa trapiko ang naitala ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) makaraang ipatupad nito ang ‘non-contact apprehension program’.
Sa datos na inilabas ng MTPB, naitala ang pinakamataas na violations o paglabag ng mga motorista ay sa obstruction sa mga pedestrian lanes, disregarding lane markings, maging ang disregarding traffic lights.
Paliwanag ng MTPB, marami sa mga motorista ang hindi nakasunod sa lane markings kung saan ang mga sasakyan lamang na liliko pakanan o kaliwa ang dapat na gumamit ng naturang markings.
Mababatid na ang non-contact apprehension ay inilunsad noong nakaraang taon sa mga pangunahing kalsada sa lungsod ng Maynila.
Kaugnay nito, aabot sa higit 30 mga camera ang kanilang inilagay sa iba’t-ibang pangunahing lansangan sa Maynila para magbantay sa daloy ng trapiko.