Nasa kamay na ng House of Representatives ang bola para maisabatas ang 2019 national budget.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, naiparating na nila sa pulong sa Malacañang ang posisyon ng Senado na dapat ibalik na lamang ang orihinal na kopya ng budget na inaprubahan sa Bicameral Conference Committee.
Nagbabala si Sotto na sakaling hindi pa rin katanggap-tanggap sa kanila ang gagawin ng Kamara, posibleng ang susunod na Kongreso na ang magpasa ng 2019 budget sa Agosto o kaya ay tuluyang gamitin ang re-enacted budget hanggang Disyembre.
Batay aniya sa paliwanag ni Finance Secretary Carlos Dominguez, nasa 2.3 hanggang 2.5 percent ang epekto ng re-enacted budget sa paglago ng ekonomiya at Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Kinumpirma naman ng House of Representatives na nananatiling deadlock ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso pagdating sa panukalang national budget para ngayong 2019.
Ayon kay House Majority Leader Fredenil Castro, posibleng humingi uli sila ng pulong kasama ang mga senador.
Binigyang diin ni Castro na hindi nila maaaring tanggapin ang posisyon ng Senado na ibalik na lamang ang orihinal na budget na ipinasa nila sa Bicameral Conference Committee.
Alam naman aniya ng mga senador na pawang lump sum at hindi pa itemized ang budget na pinagkasunduan nila sa Bicameral Conference Committee.
Ayon kay Castro, matatapos lamang ang deadlock kung tatanggapin ng Senado na normal lamang at naaayon sa batas ang pag-itemized o pagbiyak sa lump sum budget para ilaan sa iba’t ibang ahensyang pamahalaan pagkatapos ng bicam, upang maimprenta na ang panukalang budget.
Sa katunayan aniya, nakakasiguro siya na mayroon ring sariling listahan ang Senado ng mga hinimay-himay nilang budget para sa mga ahensya ng pamahalaan.
(Ulat ni Cely Bueno)