Mahigit 2,000 katao ang inilikas mula sa mga lalawigan ng Camarines sur at Albay sa Bicol dahil sa pangamba ng landslides at flashfloods dulot ng bagyong Ramon.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Bicol, ang mga inilikas na nakatira sa mga mabababa at bulubunduking lugar ay dinala na sa mga evacuation area.
Sa report ng OCD, nagkaruon ng pagguho ng lupa sa mga barangay ng Sta. Rosa del Norte sa bayan ng Pasacao at Mananao sa bayan ng Tinambac sa Camarines Sur.
Binaha naman ang 19 na barangay sa mga bayan ng Caramoan, Garchitorena Pasacao, Del gallego, Canaman, Calabanga, Tinambac, Lagonoy, Magarao, at Sipocot sa Camarines Sur, gayundin sa Tiwi, Albay.
Sinabi ni OCD Regional Director Claudio Yucot na hanggang tuhod ang baha sa nasabing mga lugar habang ang antas ng tubig sa ilog ay tumaas ng isat kalahating metro.
Samantala, nawalan ng supply ng kuryente sa mga bayan ng Del Gallego, Lupi, Caramoan, at Presentacion sa lalawigan ng Camarines Sur.
Kanselado naman ang biyahe ng tatlong (3) flights sa Legazpi City Airport.