Umakyat na sa dalawampu’t apat (24) ang nasawi habang daan-daan ang sugatan sa pagka-diskaril ng isang tren sa Turkey.
Nasa 360 ang sakay ng tren na patungong Halkali Station, Istanbul mula sa Edirne Region nang madiskaril ang anim na bagon sa Tekirdag Region.
Ayon kay Turkish Deputy Prime Minister Recep Akdag, nasa 120 pang pasahero ang nananatili sa ospital.
Natapos na anya ang search operations sa naaksidenteng tren habang pinagpapaliwanag na rin ang dalawang driver at tatlong iba pang railway worker.
Batay sa imbestigasyon ng Turkish Transport Ministry, ang paglambot ng lupa bunsod ng malakas na pag-ulan ang dahilan kaya’t nawala sa “alignment” ang riles.
—-