Hinimok ng isang Filipino human rights lawyer sa United Kingdom ang pagtatalaga ng gobyerno ng Pilipinas ng mga ahensyang maaaring mag-monitor sa OFW’s sa iba’t-ibang panig ng mundo sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa UK umaabot na sa halos 5,000 ang nasawi sa COVID-19 at mahigit 200 dito ay mga Pinoy frontliners.
Nasa mahigit 700 Pinoy frontliners na nagtatrabaho sa nursing homes at ospital sa UK ang naitalang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Atty. Girlie Manalo Gonito, Human Rights Lawyer sa London at founder ng OFW UK International Friendship Association doble na ang hirap ng kalagayan ng 300,000 OFW’s sa UK dahil sa banta ng COVID-19.
Ang mga nasawing OFW dahil sa COVID-19 aniya ay hindi namo-monitor ng embahada ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng pondo at pasilidad.