Kasalukuyan nang pinoproseso ng department of foreign Affairs at Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang mga documentary at administrative requirements para sa agarang pagpapauwi sa mahigit 200 Pilipino na ginawaran ng pardon sa United Arab Emirates.
Batay sa anunsyo ng DFA, umabot sa 220 pinoy ang napalaya matapos silang mabigyan ng pardon bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-53 taong National Day ng UAE.
Binigyang diin ng ahensya, na ito ay resulta ng direktang pakikipag-usap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay his Excellency Sheikh Mohammed Bin Zayed Al Nahyan noong Nobyembre nang nakaraang taon.
Nabatid na ang mga napalayang Pinoy ay nahaharap sa iba’t ibang kaso sa nasabing bansa.
Matatandaang noong June 2024, nasa 143 Pilipino rin ang nabigyan ng pardon kasabay ng pagdiriwang ng Eid Al-Adha. -Mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)