Aabot sa 597 pamilya o 2,436 indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Neneng sa Ilocos Norte.
Batay sa datos ng Department of Social Welfare And Development (DSWD), ang naturang mga pamilya ay mula sa apat na Bayan sa lalawigan.
Ayon kay Laoag City Mayor Michael Marcos Keon, 35 pamilya o 121 indibidwal ang inilikas dahil sa paghagupit ng bagyo sa siyudad.
Labinglimang barangay aniya ang naapektuhan ng bagyo, kung saan apat na bahay ang winasak nito habang isa namang indibidwal ang napaulat na nasugatan.
Sa initial assessment ng Agriculture office ng Laoag, aabot sa P6.9 million ang halaga ng pinsala ng bagyo sa agricultural crops gaya ng bigas at mais.
Samantala, nakapagbigay naman ng tulong pinansyal ang DSWD sa Ilocos Region sa isang pamilya sa Bayan ng Dingras matapos mabagsakan ng malaking puno ang kanilang tahanan.