Mahigit dalawandaan limampung Public Utility Vehicles (PUV) na ang hinarang ng Inter-Agency Council on Traffic Administration sa unang araw ng “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” campaign ng gobyerno
Ayon kay Transportation Undersecretary Tim Orbos, karamihan sa mga naitalang paglabag ay sa EDSA kung saan pawang mga PUV na bulok o karag-karag at malakas magbuga ng usok ang kanilang nasampolan.
Tatlong beses kada araw anya nilang isasagawa ang kampanya laban sa mga lumang PUV at smoke belcher habang ang isang inspeksyon ay isasagawa sa gabi upang i-monitor naman ang mga may problema sa ilaw.
Aminado naman si Orbos na medyo mahirap ipatupad ang naturang polisiya dahil sadyang malaki ang Metro Manila pero kanyang tiniyak na wala itong deadline o timetable dahil ipatutupad ito araw-araw.
Samantala, mag-i-issue naman ang DOTr ng subpoena laban sa mga driver na nahuli upang mag-report ang mga ito sa land transportation office sa loob ng bente kwatro oras para sa ibayong inspeksyon ng kanilang mga sasakyan.