Umaasa ang pamunuan ng Philippine National Police o PNP na darating na sa mga susunod na araw ang alokasyong bakuna ng COVID 19 sa kanilang hanay.
Ayon kay Administrative Support to COVID 19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander at Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Joselito Vera Cruz, wala pang abiso sa kanila ang Department of Health (DOH) hanggang ngayon kung kailan darating ang kanilang alokasyon para sa kanilang A4 priority category.
Sinabi pa ni Vera Cruz na unang makatatanggap ng alokasyong bakuna ay ang National Capital Region Police Office o NCRPO na may 28,000 doses na agad nilang iro-rollout sa sandaling dumating na.
Batay sa datos, aabot na sa 26,144 ang mga Pulis na nabakunahan na ng unang dose kung saan, nasa 12, 232 sa mga ito ang nakakumpleto na ng pagbabakuna.
Patuloy naman ang apela ni Vera Cruz sa mga kabaro nito na huwag nang mamili ng bakuna sa halip ay samantalahin ang bakunang inilaan ng kani-kanilang lokal na Pamahalaan para sa kanila.