Pumalo sa mahigit 27 million students ang nagpa-enroll ilang araw bago ang tuluyang pagbabalik ng face to face classes bukas, araw ng Lunes, August 22, 2022.
Ayon sa Department of Education (DepEd), as of August 19, nasa kabuuang 27, 158, 578 na mga estudyante ang nagparehistro, kasunod narin ng nagpapatuloy na enrollment hanggang sa pagbubukas ng klase.
Aabot naman sa 23, 029, 151 students ang nagpa-enroll sa in-formal education, habang 4, 129, 427 students ang nagpatala para sa early registration.
Nakuha ng CALABARZON ang pinakamataas na number of registrants na umabot sa 3, 709, 599, sinundan ng Central Luzon – 2,810,330 at National Capital Region na mayroong 2, 406, 014 na mga enrollees.
Muling ipinaalala ng DepEd na maaring gawin ang pagpapa-enroll sa mga estudyante sa pamamagitan ng in-person, remote, at dropbox forms.
Maari ding magpatala ang mga mag-aaral ng Alternative Learning System o ALS via Online o In-person.
Una nang sinabi ng ahensya na hanggang sa Oktubre na lamang papayagan ang blended at full-distance learning dahil simula November 2, kailangan nang bumalik sa face to face classes ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.