Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot sa mahigit 7,500 pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Neneng sa Northern Luzon.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni NDRRMC Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na nasa 7,519 pamilya o katumbas ng 27,914 indibidwal mula sa 160 barangay sa Region 1, 2, at 3 ang apektado ng bagyo.
Nasa 3,769 indibidwal o katumbas ng halos 1,200 pamilya naman ang nagpre-emptive evacuation.
Umabot din aniya sa 23 kalsada at 12 tulay ang hindi pa rin nadadaanan na karamihan ay mula sa Region 1 at 2.
Bukod dito, nagkaroon din ng power interruption sa halos 28 bayan sa nasabing mga rehiyon kung saan anim rito ay naibalik na.
Samantala, sinabi ni Alejandro na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at regional offices para sa paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng naturang bagyo.