Mahigit pa sa tatlumpung (30) kalsada sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Ompong ang hindi pa maaaring daanan.
Ayon sa Deparment of Public Works and Highways (DPWH), dalawampu’t apat (24) na kalsada sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang sarado pa rin sa lahat ng uri ng sasakyan gayundin ang dalawa sa Region 1 at tatlo sa Region 3.
Karamihan dito ay nakaranas ng landslide at hindi pa natatanggal ang mga nahulog na mga bato mula sa kabundukan, putik, mga natumbang poste at iba pa.
Pinayuhan ng DPWH ang mga magtutungo at bababa ng Baguio City na iwasan muna ang Kennon Road at sa halip ay dumaan sa Marcos Highway.
Ilan pa sa mga kalsada sa norte na nananatiling sarado ang Abra-Ilocos Norte Road, Kabugao-Pudtol, Luna-Cagayan Boundary Road, Apayao-Ilocos Norte, Mountain Province Boundary-Calanan-Pinukpok-Abbut Road at Kalinga-Abra Road.
Samantala, sa Pampanga, nananatiling sarado ang Sto. Tomas-Minalin Road, Baliwag-Candaba-Sta. Ana Road, Candaba-San Miguel at San Simon-Baliuag Road.
Flooded areas
Pitumpung (70) barangay pa sa pampanga ang nananatiling lubog sa baha, apat na araw matapos manalanta ang bagyong Ompong.
Batay sa monitoring ng DWIZ, sa Candaba pa lamang ay labing isang (11) barangay pa ang nananatiling may baha.
Isinailalim sa state of calamity ang Candaba matapos na umabot sa 15 feet ang baha sa ilang barangay.
Halos pareho rin ang naging sitwasyon sa maraming mga barangay ng Macabebe at Mansatol Pampanga.
Halos malubog ang Pampanga mula sa malakas na agos ng tubig mula sa kabundukan dala ng pananalasa ng bagyong Ompong.
—-