Tinatayang aabot sa 30 milyong pisong halaga ng tinatawag na kush o high grade marijuana ang nasabat ng mga operatiba ng PDEA o Philippine Drug enforcement Agency sa Las Piñas City.
Ito’y makaraang kumanta ang mga suspek na una nang nahuli ng mga awtoridad sa isang buy bust operations na isinagawa sa Alaya, Alabang kagabi.
Binalikan ng mga tauhan ng PDEA ang isang bahay sa Barangay Pilar sa naturang lungsod na sinasabing taniman umano ng tinatawag na “kush” o high grade marijuana.
Ayon kay PDEA Region 3 Dir. Gil Pabiloña, pilit nilang pina-amin ang suspek na si Danny Lim na nagpakilalang isang US citizen.
Maliban sa mga damo, nadiskubre rin ng PDEA ang dalawang hinihinalang improvised greenhouse na ginagamit din sa pagpapalaki ng marijuana.
Magugunitang aabot sa 7 milyong pisong halaga ng marijuana ang nasabat sa unang operasyon ng PDEA sa Alabang noong isang linggo.
Samantala, ikinasa naman ng PDEA ang isasampa nilang kaso laban sa suspek na si Lim na may kaugnayan sa paglabag sa Section 8 ng Republic Act 9165 o Cultivation at Manufacturing of Dangerous Drugs.