Tinatayang dalawampu (20) katao ang patay kabilang ang mga miyembro ng Sektang Sikh habang nasa dalawampu (20) ang sugatan sa panibagong suicide bombing sa Jalalabad City, Afghanistan.
Naganap ang pambobomba ilang oras matapos pasinayaan ni Afghan President Ashraf Ghani ang isang ospital at habang bumibisita si US Secretary of State Mike Pompeo.
Tinarget ng suicide bomber ang sasakyang may lulan na mga miyembro ng Sikh Minority na makikipag-kita sana sa Pangulo.
Bagaman wala pang umaako sa pagpapasabog, naniniwala ang mga awtoridad na grupong Taliban o Islamic State ang posibleng nasa likod ng insidente.
Pakistan
Labindalawa (12) katao naman ang patay kabilang ang isang kandidato sa suicide bombing sa lungsod ng Peshawar sa kalagitnaan ng kampanya para sa national elections sa Pakistan.
Tinaya naman ng mga awtoridad sa apatnapu (40) ang nasugatan na karamiha’y supporter ng awami national party na noo’y abala sa isang election rally.
Ayon sa Pakistani Defense Ministry, ang grupong Taliban o Islamic State ang nakikita nilang nasa likod ng pambobomba.
Kabilang ang Peshawar sa mga madalas puntiryahin ng mga nabanggit na terrorist group.
Samantala, pinaigting na ng mga awtoridad ang seguridad sa buong Pakistan bilang paghahanda na rin sa halalan sa Hulyo 25.
—-