NASAGIP ng pinagsanib na pwersa ng Malaysian Royal Police (Police Attaché’), SPD District Special Operations Unit (DSOU), District Intelligence Division (DID), District Mobile Force Battalion (DMFB), at Muntinlupa City Police Station ang isang Malaysian National at 33 iba pang foreign nationals mula sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) firm sa Muntinlupa City.
Kinilala ang suspek na si Qian Jing, 35 taong gulang, Chinese national, at sinasabing may-ari ng POGO company na matatagpuan sa Dexin 999 Building, Montillano St., Brgy. Alabang.
Nabatid na inipit ng kompanya ang sahod ng Malaysian na si Soh Teck Koung, 25 taong gulang, at hindi pinapayang lumabas ng gusali.
Binantaan din umano si Koung na sasaktan kapag nagsumbong ito sa mga alagad ng batas.
Nakausap sa telepono ng biktima ang kanyang ina sa Malaysia ukol sa kanyang sitwasyon kaya’t nagsumbong ito sa mga awtoridad doon na siya namang nakipag-ugnayan sa kanilang counterparts sa Pilipinas.
Matapos ang isinagawang verification, wala ring nakipakitang business permit ang POGO company ni Jing mula sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Muntinlupa City.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang reklamo ang nasabing suspek.