Nagsuguran sa Ozamiz Police Station ang mahigit 200 pribadong indibiduwal at anim (6) na Barangay chairmen na kaalyado umano ng mga Parojinog.
Tatlong araw ito matapos mapatay ang ilang miyembro ng pamilya Parojinog sa pangunguna ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr. sa raid operations ng mga awtoridad.
Ayon kay PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa halos 300 baril ang isinuko sa PNP ng mga nasabing kaalyado ng Parojinog.
Sinabi ni Bato na batay sa report ni Ozamiz City Police Head Chief Inspector Jovie Espenido halos 250 short at 50 long firearms ang isinuko ng mga pribadong indibiduwal at Barangay chairmen.
Posible aniyang natakot ang mga nasabing kaalyado ng mga Parojinog na isunod ng mga awtoridad kayat nagsuko na ng mga armas.
Hindi pa batid ni Bato kung kakasuhan ang mga barangay captain at pribadong indibiduwal na nagsuko ng mga armas.
By Judith Larino / ulat ni Jonathan Andal (Patrol 31)