Iniulat ng Lung Center of the Philippines (LCP) na nasa 321 katao ang namamatay sa Pilipinas kada araw dahil sa tobacco-related diseases.
Ayon kay Dr. Glynna Ong-Cabrera, LCP Smoking Cessation Program Manager at Department of Health Quitline Project Director, dahil sa tobacco products ay nahihirapan ang mga naninigarilyo na huminto sa paggamit nito.
Kahapon, Mayo 31, bilang paggunita sa World No Tobacco Day, isang art installation ng 321 na pares ng sapatos at tsinelas ang idinisplay sa LCP lobby, na tatagal hanggang sa Hunyo 3.
Nakipag-ugnayan rin ang LCP sa Philippine College of Chest Physicians para sa isang virtual forum kaugnay sa mapanganib na epekto ng e-cigarettes o electronic nicotine devices, na mas kilala sa tawag na ‘vape.’
Upang matulungan rin ang mga naninigarilyo na tumigil na sa kanilang bisyo, maaaring tumawag ang mga ito sa DOH quitline 1558.
Ayon sa World Health Organization, mahigit walong milyong indibidwal kada taon ang namamatay dahil sa sakit na dulot ng paninigarilyo, kung saan mahigit pitong milyon ang nasasawi dahil sa direktang paggamit nito habang nasa 1.2 milyon naman ang non-smokers na na e expose sa second hand smoke.