Mahigit 30,000 kilo ng basura ang nakuha sa isinagawang clean-up drive sa ilang estero na konektado sa Manila Bay bilang bahagi ng rehabilitasyon ng dagat.
Sanib puwersa sina Environment Secretary Roy Cimatu at mga opisyal ng DILG, DOT at MMDA sa pangunguna sa paglilinis kung saan inuna ang Estero de Magdalena.
Sinabi ni Cimatu na tiyak nang lilinis ang Pasig River at Manila Bay kung matututukan ang paghakot sa mga basura at coliform na nanggagaling sa informal settlers.
Ipinabatid naman ni DILG Secretary Eduardo Año na nasa isa punto dalawang milyong kilo ng basura na ang nakukuha ng barangay at volunteers sa nakalipas na tatlong linggong paglilinis sa mga ilog at estero sa Metro Manila.
Kasabay nito, binalaan ni Año ang mga opisyal ng barangay na mapaparusahan kapag sinuway ang lingguhang clean-up drive.